Monday, July 19, 2010

PAGPAPAUNLAD NG TALASALITAAN

MGA PAMAMARAAN SA PAGPAPAUNLAD NG TALASALITAAN

1. Kolokasyon
Higit na mapapalitaw ang kahulugan ng isang salita kung ito’y kasama ng iba pang salita. May mga salitang nagsasama-samang palagi sa isang konstruksyon at mayroon namang nagsasama-sama paminsan-minsan.

Halimbawa:

buwig ng saging
pumpon ng bulaklak
kawan ng ibon
ligaya at lumbay
trono ng hari
marangyang piging
magarang damit
maaliwalas na mukha

2. Klayn (Cline)
Ito ang antas-antas na pagkakasunud-sunod ng pagkakaiba-iba sa loob ng isang uri.

Halimbawa:
Panahon
-mainit
-
-
-
-malamig
Sa loon ng klayn ay maaaring ipasok ang mga salitang maalinsangan, mabanas, at mahalumigmig.
Pormal
-talumpati
-pahayag
-usapan
-daldalan
-satsatan
Impormal
Dito naman ay ginagamit ang klayn sa pagtuturo ng pag-uuri-uri sa aksis na pormal at impormal ang mga salita.

3. Cloze
Sa uring ito, hindi ginagalaw ang titulo at ang unang pangungusap ng isang sipi. Pumapasok ang pagpapayaman ng talasalitaan sa pamamagitan ng paghula kung anong tamang salita ng angkop gamitin o ipuno sa puwang na matatagpuan sa tuwing ikasiyam na salita maliban kung ito’y pantanging ngalan o bilang kaya.
Pinapaboran ang dayad sa pagsasagot sa cloze. Pinagpapareha ang mga estudyante para pag-usapan ang angkop na salitang marapat gamitin. Pinag-uusapan pagkatapos sa tulong ng guro ang mga sagot na tinatanggap at di tinatanggap.

Halimbawa:
Damang-dama ng lahat na naroroon ang ________ na naghahari sa kapaligiran habang isinasagawa ang ________ ng mga barungbarong na matagal nang ________ roon simula pa nang ang mga kapatid na Muslim ay ________ sa Mindanao bunga ng hidwaan ng gobyerno at ng MNLF.


Ang mga posibleng sagot ay:

1. kaguluhan
tensyon
kalituhan
karahasan
2. paggiba
demolisyon
pagwasak
paglilipat
3. nakatayo
nakatirik
nakapwesto
nakaiskwat
4. lumayo
lumikas
lumayas
tumalilis


4. Klaster
Ito ang pagsama-sama ng magkakatulad na bagay sa iisang grupo. Mga salita ito na magkakaugnay-ugnay sa iisang ideya.

Halimbawa:



GALIT







Pagdadala ng
isang bagay




5. Konteks
May iba’t ibang uri ng palatandaan kontekstwal na maaring mapagbasehan ng kahulugan.
a. Depinisyon
Ang kahulugan o depinisyon ng bagong salitang pag-aaralan ay nakapaloob sa binabasa.
Halimbawa:
Sa butas ng nitso ay dahan-dahang inilagak ang bangkay.
b. Paghihinuha
Ang estudyante ay inaasahang makagawa o makabuo ng isang palagay/ opinion/ konklusyon mula sa mga katotohanan o katwiran.
Halimbawa:
Ang paligid ay kakikitaan ng paghihikahos ng mga tao. Nakabilanggo sa daigdig ang barungbarong, lusak na estero, nanlilimahid na babae’t lalaki.
Mahihinuha rito ang kahulugan ng paghihikahos sa tulong ng mga salitang lusak at nanlilimahid.
c. Paghahambing/ Kontras
Ito ang pagbibigay-halaga sa mga salitang naghuhudyat ng pagkakaiba tulad ng pangatnig na subalit, pero, at ngunit, na nagpapahiwatig ng kaibahan ng kahulugan ng isang salita sa isa pang salita.
Halimbawa:
Kapurit nga ang natirang pagkain ngunit nagkasya pa rin sa maraming nakasahod na kamay.
d. Pagsusuri
Ang pagsusuri sa pagkakabuo ng mga salitang-ugat at panlapi, nahuhulaan ng mag-aaral ang kahulugan ng salitang pinag-aaralan.
Halimbawa:
tao-tauhan, panalag-sinalag, digma-mandirigma

6. Konsultasyon
Para matiyak na wasto ang kahulugang ibinatay sa konteksto, mahalagang konsultahin ang sangguniang aklat, diksyunaryo at iba pang sanggunian na angkop sa gulang ng mag-aaral.

7. Mga Kard
Paggawa ng maliliit na kard sa bawat salitang inaakala ng mag-aaral na mahirap tandaan. Mahalagang isulat sa kard and salita, ang kahulugan nito, ang paggamit sa pangungusap at ilang kolokasyon.

8. Pagkamalikhain
Sapagkat ang wika ay kinapapalooban ng personal at malikhaing kaisipan, inaasahang makakaisip ang guro ng pamaraan upang matulungan ang mag-aaral na maging malikhain.

Halimbawa:
Maaaring magpakita ang guro ng iba’t ibang larawan at hayaan ang mga batang pumili ng isang larawang nais nilang talakayin. Bigyan ang mga bata ng ilang minuto, tawagin sa harapan, at ipatalakay ang larawang napili. Sa ganito, iba’t ibang talasalitaan ang maririnig at matutuhan ng mga mag-aaral.

No comments:

Post a Comment